Napapanahon at makabuluhan ang pagsasama sa iisang buwan at ang pagtutugma ng tema ng naging pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kasaysayan. Ang Buwan ng Wika ay may temang “Filipino at mga Katutubong Wika, Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha”. Ang tema naman ng Buwan ng Kasaysayan ay “Kasaysayan, Kamalayan, at Kaunlaran”.
Makapangyarihan ang bahaging ginagampanan ng wika sa pagbubuo ng pambansang kamalayan (national consciousness) sapagkat ito ang sumasalamin sa ating kultura. At isa sa napakahalagang bahagi ng kultura ang kasaysayan dahil ito ang nagbibigkis sa ating mga Pilipino upang magkaroon ng tinatawag pambansang pagkakakilanlan (sense of national identity).
Simple ngunit makabuluhan ang naging pagdiriwang ng mga mag-aaral sa Senior High School ng Linggo ng Kasaysayan at Wika. Nagsimula ito sa paghahanda para sa mga sumusunod na paligsahan:
EKSIBIT TUNGKOL SA BATAS MILITAR
Layunin ng eksibit patungkol sa batas militar na labanan ang tahasan at talamak na pagpapakalat ng maling impormasyon (disinformation) at pagbaluktot ng kasaysayan sa panahon ng martial law. Hinikayat ang lahat ng mga klase na suriing mabuti ang mga impormasyon na ginamit para sa eksibit at upang mapanatili ang pagiging obhetibo sa pagtatanghal ng mga datos at makatotohanang (factual) ebidensiya.
PATIMPALAK SA PAGGAWA NG PASKIL
Ang mga paskil na itinampok ay nakabatay sa tema ng Buwan ng Kasaysayan at Wika. Itinampok ang mga ito sa isang eksibit sa pasilyo sa tapat ng G11A.
TULARAWAN
Ang tularawan ay isang malikhaing paghahabi ng tula na may kaugnayan sa kalakip na larawan o disenyo. Ito ay dalawang saknong na may apat na taludtod. Wala itong sukat ngunit may tugmaan. Ang mga likha ay nakabatay rin sa tema.
Nagtapos ang pagdiriwang sa pamamagitan ng isang palatuntunan na kung saan ay inilunsad ang Araw ng Martes at Huwebes bilang mga araw ng paggamit ng wikang Filipino. Nakapaloob din dito ang samu’t saring palaro katulad ng Pinoy Henyo, Karera sa Sako, Namamalengke si Maria, at Hep Hep Hooray. Iginawad din sa huling bahagi ng palatuntunan ang pagkilala sa mga lumahok at nagsipagwagi sa mga timpalak na inilunsad.
Isinulat ni: Gng. Anna C. Romana