Sa pangunguna ng mga guro sa Filipino kaagapay ang mga guro sa Social Studies ng baitang 7-10, ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kasaysayan ay matagumpay na naisagawa noong Agosto 27-29, 2025 na may temang Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa.
Ang tatlong araw na pagdiriwang ay kinapalooban ng iba’t ibang aktibidad na nagpapakita ng pagkilala at pagpapahalaga sa wikang Filipino. Kabilang sa mga ito ang pag-awit ng mga katutubong awiting Pilipino na itinanghal ng Woodrose Chorale, magkapanabay na pag-awit ng maglolang Sofia at Virginia Laurel, kultural na pagtatanghal ng Banda Kawayan Pilipinas, Tagisan ng Talino, at panonood at pag-aanalisa sa pelikulang Pilipino.
Naging kabahagi rin sa pagdiriwang na ito si Bb. Luisa Pineda na naglahad ng kanyang kaalaman at karanasan sa kahalagahan ng paggamit ng wikang Filipino sa pakikipagtalastasan. Nagtapos ang pagdiriwang sa pagsasagawa ng iba’t ibang larong Pinoy at Pistang Pilipino kung saan ay masayang pinagsaluhan ng mga mag-aaral, guro at kawani ng paaralan ang iba’t ibang pagkaing Pilipino.




