Biyaheng Japan, katumbas ang maraming kaalaman!

The following article was written by Mrs. Suzie Tiotangco, Filipino Teacher, who was one of the chaperones during the student exchange program in Japan.

 

Haponesang pose suot ang Yukata

 

Masayang magbiyahe. Nakaaaliw sa mga mata ang mga tanawing una mo pa lamang makikita. Lalo at higit, ang kakaibang klimang mararatnan mo! Maraming bago! Talaga namang ikaw ay matututo!

Naranas ko ito nang magi akong tsaperon sa isang student exchange program sa Japan nitong Abril lamang. Matapos ang napakatagal na pagpila sa immigration sa NAIA Terminal 2, at pag-alingawngaw ng “last calls” dulot nito, nakalulan kami sa eroplanong magdadala sa amin sa Nagoya, Japan.

Kakaibang ngiti ang salubong sa amin ng mga tao sa paliparan ng Chubu Centrair. Nagkaroon ng kaunting pagtatanong sa isa naming kasama na siya namang naging dahilan para magtakbuhan kami pagkatapos upang umabot sa pang-alas-7 biyahe ng speed boat patungong Mie Prefecture, ang aming pinal na destinasyon sa Japan. Tumakbo man, nahuli pa rin kami ng isang minuto! Tinginan ang iilan lang namang pasahero……dahil sa ingay namin o di naman kaya ay dahil huli kami. Disiplina sa ORAS! Talagang napa-WOW ako roon. Saludo! Dalawang kamay pa!

Sa paaralang pinuntahan ng aming mga estudyante, parang walang konsepto ng “tardy.” Lahat ay nakapapasok sa tamang oras, gaano man kalayo ang pinanggalingan!

Nakatira sa malayong lugar ang pamilyang kumupkop sa akin habang nasa exchange program kami. Dagdag itong pagpapala sa akin upang makita at matutunan ang kalakarang umiiral sa Japan. Sa kung ilang araw kong pagsakay ng tren mula Nabari papuntang Tsu, laging eksakto ang dating ng tren, 6:45 ng umaga! Walang palya! Maging ang bus na magdadala sa amin sa paaralan, sakto rin! Kahit na nakahimpil na ito sa parang terminal, hindi ito dadalhin ng drayber sa lugar ng sakayan, hangga’t hindi pa oras. Hindi kami nahuhuli sa pagpasok sa paaralan. Napakagaling na disiplina sa oras at napakahusay na sistema ng transportasyon. Mga bagay na pinangarap kong sana ay taglay natin!

Namangha akong lalo nang may isang kaibigang nagpadala sa akin ng pampasalubong ko sa aking mga anak. Dahil bigo kaming magkita sa Japan, (malayo siya sa lugar kung nasaan ako) magpapadala na lamang daw siya. Nagpadala siya ng mensaheng nagsasaad na alas-8 ng gabi, darating ang package. At sa maniwala kayo at hindi, alas-8 ng gabi, dumating ang package!

Nakaiinggit na mayroon silang ganitong klase ng disiplina. Nakapanghihinayang dahil mukha namang uubra sa atin bilang isang sistema, bakit hindi mangyari rito. Marami akong pinanghihinayangan na di mapairal dito sa atin. Ang pagiging sa tamang oras, walang huli, partikular sa klase, ang maayos na sistema ng transportasyon at marami pang pampahaba ng listahan. Ito talaga ang tumatak sa akin at nabaon ko sa aking paglisan sa Japan, ang naging tirahan ko sa loob ng siyam na araw. Marami pa akong baong kuwento at mga alaalang maibabahagi ko.

Masayang pagbabahagi ng wikang Filipino sa mga mag-aaral na Hapones
Seryosong matuto ang lahat