Ang Sangay ng Elementarya ay nagdiwang ng Linggo ng Wika at Kasaysayan noong Agosto 27-30, 2024. Ang tema ng pagdiriwang ay Filipino: Wika ng Bayan, Saysay ng Bansang Mapagpalaya. Ito ang pinagsamang tema na kapwa mula sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at National Historical Commission of the Philippines (NHCP). Ang mga gawain ay nakatuon sa pagpapalaganap at pagpapaunlad ng kamalayan ng mga mag-aaral tungkol sa ating wika, kultura, at kasaysayan.
Naging makulay ang selebrasyon mula sa unang araw hanggang sa huli. Ang parada ng mga mga natatanging kababaihan na ginampanan ng mga mag-aaral sa Baitang 1 ang nagbukas ng palatuntunan. Nagkaroon din ng mga palarong Pinoy, paligsahan sa Sayawit, Malikhaing Pagkukuwento, Sabayang Pagbigkas, at Dula. May mga magulang ding naimbitahang maging tagapagsalita, magkuwento sa silid-aralan, kumanta at sumayaw sa palatuntunan. Pinatingkad din ang pagdiriwang ng pagtatanghal ng mga mag-aaral mula sa Philippine High School for the Arts noong ika-4 na araw. May mga piling mag-aaral mula sa Woodrose ang nagbahagi ng kanilang talento sa pag-awit. Nasaksihan din ang awit at sayaw ng mga guro sa pagsasara ng pagdiriwang. Nagkaroon din ng salo-salo sa loob ng silid-aralan para sa isang tradisyunal na pista ng bayan. Sari-saring pagkaing Pinoy ang masayang pinagsaluhan ng mga mag-aaral at guro bilang pagtatapos sa pagdiriwang ng LNWK.
Tunay na matagumpay at kinalugdan ng marami ang selebrasyon. Higit sa lahat, maraming mga magulang at mga panauhin ang nakibahagi at nagpahalaga sa kulturang Pilipino. Ito ay isang patunay na ang wikang Filipino ay hindi lamang daluyan ng komunikasyon kundi magsilbing inspirasyon ito sa atin upang ipasa ang yaman ng ating kultura at kasaysayan sa mga kabataan at sa mga susunod pang henerasyon.