Ang Sangay ng Elementarya ay nagdiwang ng LNWK noong Agosto 29-30 at Setyembre 7, 2023. Ang tema ng pagdiriwang ay Wika ng Kapayapaan at Kalayaan ng mga Mamamayang Pilipino. Ito ang pinagsamang konsepto mula sa mga temang inilabas ng KWF at NHCP.
Nagkaroon ng mga gawain katulad ng pagkukuwento ng mga magulang, kuwentong Lampara at pagkukuwento ni Gng.Nina Daza-Puyat, manunulat ng Alamat ng Lumpiang Shanghai. Nagkaroon din ng mga paligsahan sa SAYAWIT, Malikhaing Pagkukuwento, at Sabayang Pagbigkas. Mayroon ding iba’t ibang gawaing pansilid-aralan at Book Fair mula sa Lampara Publishing House. Samantalang sa SS naman ay nagkaroon ng Parada ng mga Babaeng Bayani, Palarong Pinoy, at pagdedekorasyon sa loob ng silid-aralan ng mga impormasyon tungkol sa iba’t ibang pista sa Pilipinas.
Itinampok din ang Tahanan ng Pag-ibig ni Barbara Micarelli Rondalla sa isang pangkulturang pagtatanghal. Ang huling yugto ng pagtatanghal ay ang Palatuntunan ng Pagdiriwang. Ipinamalas ng mga mag-aaral, magulang, at guro ang kanilang mga talento. Si Nicole Reynoso ay tumugtog Pinoy Medley gamit ang kanyang mga tambol. Nagpakita din ang mga magulang ng kanilang galing sa katutubong sayaw at si Bb. Mabel dela Cruz ay hindi rin nagpahuli sa kanyang violin. Ang trio nina Alessi Howell, Sandrine Recto, at Clara Castaneda ay muling nagpaalala ng pagmamahalan ng bawat isa. Ang buong komunidad ng Woodrose ay sama-samang sumayaw na pinamunuan ng mga mag-aaral sa Baitang 6. Ang samahan ng stakeholders ng Woodrose ay lalong pina-igting sa pamamagitan ng simpleng salo-salo. Ang pagbabalik sa alaala ng nakaraan ay nangyari din. Nagsuot pa ng mga kasuotang Filipino ang mga guro at mga mag-aaral.
Tunay na napakasaya at kapaki-pakinabang ang pagdiriwang ng LNWK 2023!
Sinulat ni: Bb Alegre