Matagumpay na naisagawa ng Departamento ng Junior High School ang pagdiriwang ng Linggo ng Wikang Pambansa noong Agosto 23-24, 2023. Bagama’t dalawang araw lamang ang nasabing pagdiriwang ay naipakita pa rin ng mga mag-aaral, mga guro, at mga kawani ng Woodrose School ang kanilang pagpapahalaga sa wikang Filipino at Kasaysayan.
Sa pamumuno ng mga guro sa Filipino at Social Studies, at sa tulong ng mga guro sa MAPE ay nakapagtanghal ang mga mag-aaral sa baitang 7-10 ng isang programa na lumilinang sa kaisipan at damdaming maka-Pilipino.
Ilan sa naging tampok ng pagrama ay ang pag-awit ng WR Chorale, malikhaing pagkukuwento ng Alamat, pagsasadula ng Pabula, pagbigkas ng sariling likhang Tula, at pagtatanghal ng Monologo. Maging ang kahusayan sa pagsasayaw ng mga mag-aaral ay nasaksihan din sa nasabing programa.
Isinagawa rin ang Tagisan ng Talino upang ipakita ang kahusayan ng mga mag-aaral sa asignaturang Filipino at Social Studies kung saan ang bawat pangkat ay binubuo ng kinatawan ng klase mula baitang 7-10.
Nagkaroon din ng panayam upang higit pang mapalawak ang kaalaman ng mga mag-aaral sa wikang Filipino at Kasaysayan ng Pilipinas. Naging panauhin sa panayam na ito si Dr. Raquel Sison-Buban ng De La Salle University.
Isa pang nagpasigla sa pagdiriwang ay ang Palarong Pinoy. Ikinatuwa ng mga mag-aaral ang iba’t ibang laro tulad ng Pamamalengke, Kambal-Tuko, Bagul, at Pukpok-Palayok.
Ang pagdiriwang ay nagtapos sa pamamagitan ng Pistang Pinoy, kung saan nagsalo-salo ang mga mag-aaral, mga guro, at mga kawani ng paaralan sa isang masaganang pananghalian.