Makulay, makabuluhan at makasaysayan. Mga salitang tumitimo sa isipan ng bawat isa sa tuwing sasapit ang Agosto, ang buwan ng pagdiriwang ng mayamang wika at kasaysayan ng Pilipinas. Sa taong ito, buong lugod at galak na ipinagdiwang ng Kagawaran ng Senior High School ang Linggo ng Wika na may temang “Filipino at Mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan”.
Simple ngunit makabuluhan ang naging pagdiriwang ng mga mag-aaral at kaguruan sa Senior High School ng Linggo ng Kasaysayan at Wika na ginanap noong ika-29 at 30 ng Agosto. Nagsimula ito sa paghahanda para sa mga sumusunod na gawain at paligsahan:
LARONG PINOY
Nakiisa at nakisaya ang lahat sa bawat palaro. Nariyan ang makapatid hiningang karera sa sako at basahan, nakatutuwang sisid harina, nakauubos ng lakas na agawang buntot at ang nakapupukaw diwang Namamalengke si Maria. Nagtapos ang unang araw na puno ng pagod ngunit di mapagsidlang ligaya na nag uumapaw sa bawat isa.
PAGLIKHA NG PROMOSYONAL NA BIDYO
Layunin ng gawain na ito na maipakita ang taglay na ganda at yaman ng Pilipinas sa tulong ng malikhain at malikot na isipan ng bawat mag-aaral. Nakapaloob rito ang mayamang kultura, nakabibighaning mga tanawin, nakatatakam na mga pagkain, matibay na paniniwala at pananampalataya, at di matatawarang pagmamahal sa pamilya.
Narito ang mga nagsipagwagi:
Unang Karangalan: 11C
Ikalawang Karangalan: 12C
Ikatlong Karangalan: 11B
PATIMPALAK SA PAGGAWA NG PASKIL
Ang mga paskil ay iginuhit ng naayon sa tema ng Linggo ng Wika 2023.
Narito ang mga nagsipagwagi:
Unang Karangalan: 12B
Ikalawang Karangalan: 11C
Ikatlong Karangalan: 11B
TAGISAN NG TALINO
Sa gawain na ito ay ipinamalas ng mga piling mag-aaral sa bawat pangkat ang kanilang angking husay at talino sa kasaysayan ng Pilipinas.
Narito ang mga nagsipagwagi:
Unang Karangalan: 12B
Ikalawang Karangalan: 11C
Ikatlong Karangalan: 12A
Ipininid ang pagdiriwang sa papamagitan ng isang palatuntunan para sa pag gawad ng parangal sa mga nagwagi sa bawat timapalak at pagkilala rin sa mga masigasig na lumahok sa bawat gawain. Binigyan rin ng pagkilala ang isang mag-aaral at isang guro na may natatanging kultural na kasuotan.