Sinimulan ang pagdiriwang noong ika-23 ng Agosto, 2022, sa pamamagitan ng isang payak na programang dinaluhan, onsite, ng mga mag-aaral sa ika-7 at ika-8 baitang at online naman ng mga mag-aaral sa ika-9 at ika-10 baitang. Sa naturang programa, inanyayahan bilang pangunahing tagapagsalita si G. Jiggy Manicad, isang premyadong broadcast journalist Binigyang-diin ni G. Manicad ang kahalagahan ng wikang Filipino bilang instrumento sa pakikipag-ugnayan ng bawat Pilipino. Kanya ring hinikayat ang mga mag-aaral na gamitin at pahalagahan ang wikang Filipino bilang isa sa mga paraan ng pagpapakita ng pagmamahal sa kultura ng bansa.
Sa pambungad na panalita naman, binigyang-diin ng punong-guro, Gng. Cheyenne dela Fuente, Ed.D, ang kagandahan ng wikang Filipino. Nagpaunlak ng isang bilang ang Woodrose Chorale sa pamamagitan ng awiting Isang Mundo, Isang Awit. Sa nasabing okasyon, inilunsad din ang programa sa pagpapatupad ng mga araw ng Filipino tuwing Martes at Huwebes. Pinasinayaan din nina G. Manicad at Bb. Kathleen Pineda ang munting eksibit sa JHS patio.
Noong Miyerkules, Agosto 24, nagkaroon naman ng panayam si Bb. Kat Olan, isang Woodrose alumna. Tinalakay ni Bb. Olan ang malikhaing pagsulat, partikular ang pagsulat ng komiks. Kanya ring hinikayat ang mga mag-aaral ng ika-9 at ika-10 baitang na linangin ang sariling kakayahan at pag-ibayuhin ang interes sa mga bagay kaugnay ng pagsulat.
Ipininid ang pagdiriwang noong Agosto 26, 2022. Itinampok sa pampinid na programa ang malikhaing pagkukuwento nina Bella Juco, Bella Anico at Bianca Matic, mga mag-aaral ng ika-7 baitang. Nagpakita ng sarili nilang rendisyon ng Pinoy Jazz ang piling mag-aaral ng ika-9 na baitang. Sina Casey Lasala, Hanna Catibayan at Stephanie Avancena, mga mag-aaral ng ika-9 na baitang, naman ay nagparinig ng kanilang sariling likhang tula. Sumayaw ang WR Dance Crew sa saliw ng Pinoy Medley habang sina Drei Don at Sophia Matsuo, mga mag-aaral ng ika-10 baitang ay umawit ng Bayan Ko.
Pinasalamatan ni Gng. Marirose Baseleres, tagapag-ugnay sa Filipino, ang lahat sa pakikiisa at paglahok, sa kanyang pangwakas na pananalita.
Isinulat ni: Gng. Suzie Tiotangco